Friday, February 3, 2012

KINAGISNANG KALIKASAN




(Michael Asuten)




Habang pinagmamasdan ko ang kapaligiran ngayon, tuluyan nang nabubura ang alaala ng aking kamusmusan. Ang mga munting tanawin sa aking isipan ay unti-unting kumukupas tulad ng isang bahagharing noong aking kabataan ay laging humahalik sa aking paningin. Ngayon, isa na lamang karaniwang tanawin ang mga bundok na wala ng maipagmamalaking kulumpon ng mga dambuhalang punongkahoy. Hindi na maaaninag ang mga luntiang parang, mga ibong dumadapo sa mga sangang ilang dipa lang ang layo mula sa ating kinatatayuan, mga ligaw na bulaklak na sa tanang buhay ay isang beses lamang natin masisilayan at mga matatamis na bunga ng punongkahoy na kusang naglalaglagan sa lupa sa paglipas ng panahong walang nagnanais pumitas sa mga ito. Bihira na ring marinig sa paligid ang ingay ng mga maliliit na kulisap na nagpapatingkad sa ating mahimbing na pagtulog.

Noong kabataan ko, lalabas lang ako ng bahay paggising sa umaga at masasamyo ko na kaagad ang dalisay na hanging nagmumula sa hilaga. Habang naglalakad ako sa aming munting bakuran, makakakita na ako kaagad ng mga hinog na saging o papaya, mga buko at niyog na parang nagmamalaking dapat nang ihiwalay sa mga nagtatayugang mga puno nito, mga suha, santol at manggang namumutiktik ang bunga, mga bulaklak ng mga orkidyas at halamang ornamento na itinanim ni inay sa aming bakuran. Sa may bandang likuran naman ng bahay, makikita ang mga tanim ni itay na mga talong, kamatis, petsay, kamote at okra. 

Sa malapit na batis na ubod ng linaw ang tubig, doon naglalaba at naghuhugas ng mga gamit-kusina si inay. Kapag tapos na siya, nagtatampisaw ako dito. Sinisisid ko pa ang kailaliman niyon tuwing sinasabayan ko si itay na nanghuhuli ng mga isda at maliliit na alimango sa mga tipak ng malalaking bato sa ilalim ng tubig. Kapag napagod ako, uupo na lamang ako sa balsang kawayan habang nakalubog ang aking mga paa sa malamig na tubig. Hindi ko makakalimutan ang tabong gamit ko sa paliligo sa batis na gawa sa bao ng niyog. Dinig ko pa ang langitngit ng mga kawayang naging tahanan na ang mga maburol na paligid ng batis. Maya-maya, aakyat ang lamig sa akin kaya’t kukunin ko ang aking dalang tuwalya upang ibalabal sa aking katawan at doo’y matatapos na ang aking umaga. Ang sarap sa pakiramdam!



Hindi na mauulit ang mga tagpong ito kahit balikan ko pa ang lugar na aking kinalakhan. Ngayon, kulay kape na ang tubig ng batis. Wala na ang mga batang naghahabulan sa mabuhanging kalikasan. Wala na ang mga nagsasabayang tunog ng palu-palo ng mga babae habang naglalaba rito. Wala na rin ang mga palahaw ng magulang habang tinatawag ang mga anak para umakyat na ang mga ito patungo sa kani-kanilang tahanan upang sumalo na sa hapag-kainan.
 

Naaalala ko pa ang mga nagkalat na kalabaw na pinaiinom ng mga magsasakang-tatay at pinaliligo sa malalim na bahagi ng batis. Hindi na rin ako makakita ng mga gulay tulad ng pako, dahon ng sili at gabi sa tabi ng batis na dati’y parang mga nagsulputang kabute sa dami. Bagkus, pinalitan na lahat nito ng mga nagpapaligsahang makinaryang patubig na halos tuyuin na ang batis. Nagbunga ang mga ito ng di maiwasang pagbibitak ng mga burol sa itaas nito na siya ring nagdulot ng mga pagguho ng lupa sa mga lugar na binihag na ng mga makinarya. Kalauna’y ang mga burol ay naging matarik nang mga bangin at ang gumuhong lupa nama’y tinabunan ang ilang bahagi ng dalisay na batis. Habang lumilipas ang panahon, lumilipas na rin ang angking kagandahan ng aking kinagisnang kalikasan.

Sina itay at inay ang nagmulat sa akin ng kahalagahan ng pagtatanim ng puno at halaman. Si itay na isang masipag na magbubukid at si inay na isang maybahay na walang ibang ginawa kundi pagsilbihan kami na kanyang mga anak. Lumaki akong namulat sa mga pagsusumikap ni itay na iahon kami sa kahirapan sa pamamagitan ng pagtatanim ng palay. Sa pagnanais na maibsan ang mga pangangailangan sa bahay, gumagawa rin ng hardinang gulay si itay. Sa bawat hangganan ng aming bakuran, nagtanim siya ng mga punlang acacia. Ngayon, malalaki na ang mga punong ito. Si inay naman, walang kapaguran sa pagtatanim ng mga orkidyas at ornamentong halaman. Ang mga dahon at bulaklak ng mga ito ang nagbibigay-kulay sa paligid ng aming tahanan. Napanatili ito ni inay kasabay ng unti-unting pagdagdag ng mga taon sa kanyang edad. Hindi ko rin napansin, iba na rin ang katayuan ko ngayon. Malayo na rin ang aking lugar sa tahanan ng aking mga magulang. Subalit maiwawaglit ba sa aking isipan ang magagandang alaala na umaalipin sa akin kung nararamdaman ko ang pananabik at kalungkutan?





Umalis ako sa amin para tahakin ang landas ng kinabukasan dala ang kanilang mga munting paalala at pagsusumamong panatilihin ang mga kaugalian at kaisipang nakagisnan sa aming tahanan. Malayo ang tanawin ng kalungsuran sa lugar na aking kinalakhan. Hindi ko na nararanasan ngayon ang sumilong sa malamig na lilim ng malalaking punongkahoy. Wala ng mga punong pwedeng akyatin para pumitas ng mga matatamis na bunga nito. Wala na dito ang malinis na batis na dati’y nilalanguyan ko tuwing umaga. Pinanabikan ko ang dating tanawing nagmulat sa akin ng isang payak ngunit makabuluhang daigdig. 

Tuwing nakararanas ako ng siphayo at kalungkutan, malimit akong pumunta sa may batis at ginagawa ko itong sumbungan. Pinagmamasdan ko rito ang mga ibong naglalaro pabulusok sa ibabaw ng tubig na kagyat ding papaimbulog sa ere na halos makipagbanggaan sa mga kasamang ibong dinarama ang pagaspas ng hangin sa kanilang mga pakpak, ang lagutok mula sa mga puno ng kawayang nagkikiskisa’t nagsasandalan sa isa’t isa at ang mabagal na pag-usad ng mga dahong naglalaglagan mula sa mga punongkahoy habang tinatangay ng agos palayo sa akin hanggang sa tuluyang maglaho sa aking paningin. Saksi sila sa lahat ng pighati at simbuyong dati’y bumibigwas sa aking dibdib.



Ngayon, may malinis na batis pa ba akong pupuntahan para doo’y maglabas ng aking kasawian at kalungkutan? Mayroon pa bang mga ibong aking pakikinggan at pagmamasdan tuwing nais kong pumunta sa batis upang kahit papaano’y sila ang aapuhap sa aking mga nararamdaman? Nais kong iwaglit sa aking isipan ang tanawin ng batis. Subalit hindi ko maiwasang maalala ito tuwing nakikita ko ang kalagayan ng kalikasan sa mga kalungsuran tulad ng sa aking ngayo’y kinamumugaran. Busina’t usok na ng mga sasakyan ang nangingibabaw sa paligid kung hindi man mga makina na galing sa mga establisimyento na parang naglitawang mga langgam sa mauunlad na kabayanan. Ang dating mga lupang sakahan at luntiang kabundukan, ngayo’y napasa-ilalim na sa kamay ng mga mangangalakal upang taniman ng mga gusaling pang-industriya o mga makulay na kabahayan na nagkakahalaga ng limpak-limpak na salapi. Subalit nakakatulong ba ang mga kaganapang ito upang paunlarin ang ating naghihikahos na bansa? Nakapagdudulot ba ang mga ito ng dakilang kalutasan upang itawid sa kawalan ang mga taong dumaranas ng lubhang kahirapan?

Nakalulungkot isipin na ang unti-unting pag-unlad ng ating baya’y kasabay naman ng pagyurak sa dangal ng kalikasan. Walang patawad ang tao maging sa mga maliliit na nilalang sa ilalim ng katubigan. Ang walang habas na pagpapasabog at pagsira sa tahanan ng mga isda’t halamang-dagat ay tiyak na maghahatid sa atin sa panahon na hindi na tayo makakatikim kailanman ng kanilang biyaya. 






Ang kagubatang tahanan ng mga iba’t ibang punongkahoy, ligaw na hayop, kulisap at halaman, tuluyan nang nilamon ng alaala dahil sa pangingibabaw ng negosyo ng minahan, kaingin, pangangaso at pangangalakal ng troso. Sinimot na ng mga taong makasarili at talipandas ang bawat hibla ng madawag na kabundukan upang sila lamang ang makinabang at itaguyod ang sariling kapakanan upang umunlad sa marahas na kaparaanan. Nasaan ang katarungan para sa mga taong musmos na sinalaula ng pagiging makasarili ng iba? Nasaan ang katarungan para sa mga libu-libong tao’t tahanang natabunan dahil sa pagguho ng lupa? Nasaan ang katarungan para sa mga libu-libong tao’t tahanang tinangay ng malalaking baha? 

Sakbibi ng poot at awa ang aking dibdib. Poot sa mga taong makasarili at awa sa mga taong nagbuwis ng buhay dahil sa kabalintunaan sa kalikasan. Ipinagkait nila at tuluyan pang ipagkakait sa atin ang karapatang mabuhay ng wasto at matiwasay ayon sa mga biyayang ipinagkaloob sa atin ng Dakilang Maykapal. Pasasaan ba’t ang mga ipinagbubunying kalapastanganan ng mga taong ganid sa pagpapaunlad sa sarili sa pamamagitan ng pagsasamantala sa biyaya ng kalikasan ay magdudulot din ng sarili nilang kapahamakan? Marahil, kung hindi rin kasapakat ang kabuktutan ng nasa kapangyarihan, hindi tuluyang maglalaho ang kagandahan ng kapaligiran. Marahil, nakatayo pa ang mga malalaking punongkahoy sa kabundukan at nakatira pa ang mga ligaw na hayop sa kagubatan. Wala sana sila sa mga kulungan kung saan iginapos ang kanilang marupok na kalayaan. Wala sana sila sa mga kulungan na kailanma’y hindi nila maaring ituring na sariling tahanan. Ang mga puno’t hayop ay katulad din nating nilalang ng Panginoon na may pumipintig na buhay sa katawan. Katulad natin, sila ri’y may karapatang mabuhay at isauli sa takdang panahon ang hiram na buhay sa Poong Maykapal.

Kung mayroon tayong pagmamalasakit sa mga taong nasawi sa hagupit ng kalamidad, kailangan mayroon din tayong pagmamalasakit sa kalikasan. Kung tayo’y malupit sa kalikasan, di kawasa’y sisingilin din tayo nito ng mahal ng higit pa sa inaasahan. Kahit madurog ang puso natin ng ilang libong beses upang magbigay-awa sa mga taong nagdurusa sa mga unos na dala ng kalikasan, ipinadarama lang nito ang kanyang bagsik sapagkat hindi natin pinahahalagahan ang kanyang biyayang handog sa sangkatauhan. Magsilbi sanang paalala sa atin, na ang unos na taglay ng kalikasan ay simbolo ng kanyang kapangyarihan. 

Ang biyaya ng Diyos ay walang hangganan kung atin itong pangangalagaan. Matuto tayo sa ating mga mapapait na karanasang bunga ng ating mapangahas at salanggapang na kaparaanan. Matuto tayong magmahal sa kalikasang handog ng Diyos sa atin upang sa gayo’y malasap pa natin ang tamis ng pag-inog ng daigdig. Kung hindi natin kayang pangalagaan at mahalin ang kalikasan, kailangan na rin nating ihanda ang ating mga sarili sa panahong wala na tayong lupang tutuntungan kundi sahig na lamang ng mga matataas na gusali na kalauna’y lalamunin din ng mga bundok ng alon mula sa mga nagtatangis na karagatan. Isang panahon na ang mga nagkalat na kimikal ang tutuyo sa mga kalupaan at tambak ng basura’t usok ng sasakyang magpapakawala ng nakasusulasok na hangin sa kawalan kasabay ng pagguho ng daigdig na walang matitirang buhay na nilalang. Isang panahong magmumulat sa masakit na katotohanang lahat ng ating pagsusumikap na maabot ang ating mga matatayog na pangarap ay hindi na kailanman matutupad. Bagkus, ito’y magiging isang bangungot na ating babaunin kung mayroon pang darating na bukas. #

No comments:

Post a Comment